Nasaan ka nang ideklara ang Batas Militar?

September 22, 2005 at 11:34 am Leave a comment

Written by KR Guda, Pinoy Weekly

Mon Ramirez, inhinyero: Staff EE (electrical engineer) ako noon ng San Miguel Corp. kung saan ako nagtrabaho mula 1968. Pero nasama na rin ako sa SMS (Samahan ng mga Makabayang Siyentipiko) na pinamumunuan nina Doc Gonzalo Jurado bilang tagapangulo at Doc Roger Posadas bilang presidente. Kumuha kami ng upahang apartment sa Matatag St sa UP Teacher’s Village at paminsan-minsan ay doon pumupunta si Roger para sa mga pag-aaral at pag-discuss ng mga trabaho. Kung minsan ay kasama rin niya si Vic Clemente (ngayon nasa America na) na siyang pinakapinuno ng grupo.

Naroon kami noong ika-22 (Setyembre) ng gabi at doon natulog. Kinaumagahan, 23rd, tulad ng napagkaugalian, pinatutugtog namin ’yong radyo pero walang radio broadcast signal…Nagbiruan kami na Martial Law na, pero naghahanap pa kami ng indikasyon. Mga after lunch yata or early everning, may TV broadcast na. Nasa TV si Marcos, nagdedeklara ng Martial Law.

Bago mag-Martial Law ay maraming OP-OD (Operation Pinta-Opeartion Dikit) sa mga center islands at mga dingding. Pinaglilinis ito at pininturahan ng bagong pinta. Sinimulang pagandahin ang hitsura ng Maynila dahil ‘yong ang gusto ni Imelda – maganda dapat ang mga kalye. Totoo namang nagawa ito, at unang linggo pa lang ay sinimulan na.

Siyempre, wala nang mga demonstrador, wala na ’yong mga nagaabot ng mga manipesto sa mga kanto, naglaho kung bago yong mga aktibista. Nagtago. ‘Yong ibang alam namin ay pumunta sa mga kanya-kanyang lalawigan. Habang yong inabutan sa mga bahay at HQ ay dinala sa Aguinaldo, Crame, Bonifacio at kahit nga sa police precints.

E. San Juan Jr., tanyag na akademiko: Nagtuturo ako dito (sa Estados Unidos) sa University of Connecticut, Storrs. Nagpulong kami ng mga Pilipino sa Boston at New York upang magtayo ng National Committee for the Restoration of Civil Liberties in the Philippines sa buong US na naging Anti-Martial Law Coalition dito sa US hanggang 1986.

Kahit nasa US kami, may pangambang kumpiskahin ang aming pasaporte sapagkat kami’y Pilipino citizens pa rin. Blacklisted nga ako at ilang mga kasama na hindi nakauwi hanggang 1986.

Jun Verzola, peryodista: Miyembro ako noon ng KM (Kabataang Makabayan), nasa regional council ng Greater Manila area (hindi pa NCR ang tawag noon). Matagal-tagal na naming pinaghahandaan ang ML, at sa katunayan, bago pa ang Set. 21 ay nang-rereyd na ang militar sa mga pambansa, panrehyon, at ilang pandistritong opisina (HQ ang tawag namin noon) ng KM at iba pang militanteng organisasyon…May mga ligtas na bahay na kaming nagagamit noon pa man, kung saan puwede naming ituloy ang pagkilos. Pero ako, umuuwi pa rin sa bahay ng mga magulang ko at patuloy pa ring pumapasok sa UP Diliman.

Noong gabi ng Set. 22, tulad dati, doon ako natulog sa kuwarto naming magkakapatid na lalaki. As was my habit, a portable transistor radio was at my side, dahil palagi akong nakikinig ng balita sa umaga pagkagising. Nang umaga ng Set. 23, nagtaka ako dahil wala ni isang istasyon ng radyo akong marinig. Dahil wala pang selpon noon at hindi pa rin gaanong laganap ang gamit ng telepono, ang kagyat na reaksiyon ko ay puntahan ang ibang kilala kong KM members sa UP Diliman. Doon ko nga nakita na suspended ang klase pero may rali sa harap ng AS steps, kinokondena ang mga “senyales patungo sa Batas Militar.”

Nang gabing iyon ng Set. 23, nagsimula na akong maglinis ng papeles sa bahay. Ang kuya ko, na nasa SDK noon, ay nauna nang kumalas ng bahay at tuluyang nag-UG (underground). After 2 weeks yata, nagpasya akong bumalik sa bahay.

Nagbukas na muli ang mga klase. Bumalik ako sa UP Diliman habang patuloy na kumilos nang UG. Doon ako naaresto habang lumalahok sa isang noise barrage to protest ML noong Enero 30, 1973. Naka-6 months din ako sa Camp Aguinaldo (ISAFP) at Fort Bonifacio (IRC).

Pangunahing reaksiyon ko sa Martial Law ay ang realisasyon na isang buhay-at-kamatayang pakikibaka ang pinasok ko, na anumang oras ay puwede kang dukutin, ikulong, i-“salvage” ng isang gobyernong militar wala nang kinikilalang legalidad.

Mila Aguilar, premyadong manunulat: Nang ideklara ang Batas Militar, underground na ako, nasa isang UG house. Alam na namin na idedeklara ang Martial Law, kaya hindi kami nabigla… Pinalaki ako ng nanay kong walang takot. Pero dahil sa lahat kami sa bahay ay “wanted,” nakatakip ng makakapal na telon ang lahat ng bintana. Walang sumisilip para tumingin sa labas. Nagkukunwari kaming mayayaman.

Magkatulad ba ang sitwasyon ngayon sa sitwasyon noong bago madeklara ang Batas Militar? Hindi, dahil ngayon, may panlabas na katangian ng demokrasya. Pwuede kang magprotesta. Noon, hayagan ang pang-aaresto, pangmomolestiya at pagpapatay. Ngayon, tago lahat. Isa-isa ang ginagawang pagpapaslang. “Low intensity conflict” ang ginagamit na paraan ng pagsugpo sa protesta. Kung tutuusin, mas mahirap ang sitwasyon ngayon. Sa Ingles pa, duplicitous. Dalawang mukha ang pinapakita: nakangiti sa labas, nakalabas ang pangil sa loob.

Entry filed under: News Item. Tags: , , .

AGHAM-Laguna hold forum on role of scientists and engineers E-VAT on Electricity: Short-circuiting the People’s Interest

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Trackback this post  |  Subscribe to the comments via RSS Feed


Blog Stats

  • 21,522 hits

RSS News

  • An error has occurred; the feed is probably down. Try again later.

%d bloggers like this: